Pinag-iingat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang publiko laban sa tumataas na kaso ng online scams ngayong Semana Santa kasabay ng pagdami ng digital transactions.

Nilinaw ng DSWD na hindi ito nagpapadala ng tulong sa pamamagitan ng mga unsolicited text messages na may kasamang links, matapos kumalat ang mga pekeng mensahe online.

Ayon sa ahensya, may mga scam na nagpapanggap na mula sa DSWD at iba pang tanggapan ng gobyerno na nag-aalok umano ng ayuda tulad ng e-fuel voucher.

Samantala, nagbabala rin ang GCash tungkol sa pagtaas ng mga kaso ng panlilinlang, lalo na ngayong mas maraming Pilipino ang gumagamit ng online platforms para sa kanilang mga transaksyon.

Advertisement

Pinayuhan ang publiko na maging mapanuri at iwasan ang pag-click ng mga kahina-hinalang link. Inirekomenda rin na huwag gumamit ng unsecured public Wi-Fi at tiyaking beripikado ang mga social media account bago makipag-ugnayan.

Mahalaga ring huwag ibahagi ang one-time password (OTP), MPIN, at iba pang sensitibong impormasyon upang maiwasan ang posibleng fraud.

Hinimok ng GCash ang publiko na agad i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang Help Center, pati na rin sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group at Cybercrime Investigation and Coordinating Center.

Tiniyak naman ng GCash na patuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno upang masugpo ang online scams at maprotektahan ang publiko laban sa cybercrime.

Advertisement