NAGA CITY- Pinagkaguluhan ngayon ng mga residente ang biglang pagdagsa ng mga isdang Bolinao sa kagaratang sakop ng Paniman, Caramoan, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Nonie Enolva, tagapagsalita ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)- Bicol, sinabi nitong ang pagbuhos ng mga bolinao ay isang natural occurence sa lugar lalo na tuwing sasapit ang mga buwan ng Hulyo at Agosto.
Kaugnay nito, ayon kay Enolva, nagbigay naman aniya ang BFAR ng mga residente ng post harvest technology training para malaman ng mga ito ang iba pang mga dapat gawin para hindi masayang ang mga isda.
Aniya, bago pa man nagkaroon ng pandemya, naging eco-tourism na ang naturang lugar dahil sa pagbuhos ng mga isdang nahuhuli sa nasabing mga buwan na tila naging atraksyon na sa mga turista.
Tiniyak naman ng BFAR na walang dapat na ikabahala ang mga tao dahil ligtas naman aniyang kainin ang nasabing mga isda.