NAGA CITY- Kinumpirma ngayon ni Naga City Mayor Nelson Legacion na mula sa Naga City ang pulis na isa sa mga bagong nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa Bicol Region.

Sa ipinaabot na impormasyon ni Legacion sa publiko, nabatid na isang 36-anyos na babae ang Bicol’s #23 patient sa Albay.

Ayon kay Legacion, isa itong police officer na residente ng naturang lungsod ngunit naassign sa Legazpi City.

Nagtungo ito sa Naga City noong Abril 10 at bumalik sa kanyang trabaho sa Legazpi noong Abril 13.

Dahil sa naramdamang sintomas, agad naman itong na-admit sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH).

Kaugnay nito, agad namang nagsagawa ng urgent meeting si Legacion, Renne Gumba, IMT Commander at Dr. Vito Borja, City Health Officer at iba pang mga opisyal para sa karampatang precautionary measures.

Muli namang nagpaalala ang alkalde sa publiko na manatili lamang sa kanilang mga bahay para maiwasan ang pagdami ng kaso ng naturang sakit.