NAGA CITY- Sugatan ang isang pulis matapos ang nangyaring salpukan ng motorsiklo at truck sa Andaya Highway, Barangay Colacling, Lupi, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si PSSg John Dave Racho Arnado habang kinilala naman ang suspek na si Richard Cortez, 26-anyos.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabaybay ni Cortez ang nasabing lugar nang bigla na lamang umanong bumilis ang takbo ng minamaneho nitong truck.

Dahil dito, nilampasan rin ni Cortez ang isa pang sasakyan at kinain ang isa pang linya ng kalsada na nagresulta para mawalan ito ng control sa pagmamaneho.

Kaugnay nito, dito na rin tuluyang nabundol ng suspek ang kasalubong nitong motorsiklo na minamaneho ng nasabing pulis dahilan para magtamo ito ng sugat sa ibat’-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang nasabing biktima.

Agad namang dinala sa ospital si Arnado para sa asistensiya medikal at kasalukuyan ng nagpapagaling.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang sumukong suspek habang hinhanda na ang kasong posibleng isampa laban dito.