Nagbabala ang NGCP sa publiko ngayong Huwebes, Mayo 14 matapos isailalim sa red at yellow alert status ang Luzon at Visayas grids dahil sa kakulangan ng suplay ng kuryente dulot ng forced outages at pagbaba ng kapasidad ng ilang planta.

Ayon sa NGCP, nasa 12,479 megawatts lamang ang available capacity sa Luzon habang umabot sa 12,595 megawatts ang peak demand. Sa Visayas naman, 2,413 megawatts ang available supply laban sa 2,541 megawatts na demand.

Dahil dito, posible umanong makaranas ng rotational brownouts sa ilang lugar sa Luzon at Visayas lalo na ngayong hapon kapag lalo pang tumaas ang konsumo ng kuryente.

Ipinaliwanag ng NGCP na ang red alert status ay nangangahulugang hindi sapat ang suplay upang matugunan ang kasalukuyang demand, habang ang yellow alert naman ay indikasyon ng manipis na reserbang kuryente.

Advertisement

Nasa 17 planta sa Luzon at 11 planta sa Visayas ang kasalukuyang may forced outages, bukod pa sa ilang planta na matagal nang hindi operational mula pa noong mga nakaraang taon.

Dagdag pa rito, mahigit 4,242.5 megawatts sa Luzon at 866.7 megawatts sa Visayas ang hindi magamit dahil sa derated capacities ng ilang power plants.

Dahil sa sitwasyon, pinayuhan ng NGCP ang publiko na magtipid sa paggamit ng kuryente upang makatulong na mapanatili ang stability ng grid.

Ayon pa sa ahensya, maaari ring ipatupad ang Manual Load Dropping sakaling lumaki pa ang agwat ng supply at demand sa mga susunod na oras.

Advertisement