NAGA CITY – Nakalatag na ang mga religious at civic events sa pagdiriwang ng Peñafrancia Festival 2022 para sa buwan ng Setyembre sa lungsod ng Naga.
Matatandaan, na halos dalawang taon na hinintay ng mga deboto ang pagdiriwang bago tuluyang payagan na muling isagawa sa lungsod dahil sa krisis sa COVID-19.
Kaugnay nito, sa isang linggong kapistahan, una nang magpapasiklaban ang mga magagandang kandidata para sa isasagawang Miss Bicolandia Beauty Pageant sa Setyembre 7.
Samantala, sa Setyembre 9 isasagawa ang Traslacion Procession kung saan ang imahe ni Ina at Divino Rostro na sakay sa andas ang ipuprusisyon mula sa tirahan nito sa Basilica Minore patungo sa Naga Cathedral kung saan mananatili ito doon sa loob ng ilang araw.
Muli naman na magiging makulay ang mga kalsada dahil na rin sa muling pagsasagawa ng Civic Parade and Floating Competition maging ang pagparada ng mga scouts at mga estudyante mula naman sa elementarya, sekondaraya at kolehiyo para sa Military Parade na isasagawa mula Setyembre 14 hanggang 16.
Pagdating naman ng araw ng Sabado, Setyembre 17, sa mismong araw ng kapistahan ni Ina at huling novena, isasagawa naman ang Fluvial Procession.
Inaasahan naman ang pagdagsa ng mga tao sa mismong araw ng kapistahan ni Ina kung kaya nakaantabay na rin ang mga law enforcement agencies upang manguna sa pagbibigay ng security measures sa lungsod.
Ang pagdiriwang ng Peñafrancia Festival ang pinakamalaking Marian Devotion sa Asya at religious event sa rehiyon bilang pag-alala sa kapistahan ni Nuestra Señora de Peñafrancia, ang patrona ng Bicol Region.