Photo © web

Ipinagtanggol ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre si Ramil Madriaga, na umano’y “bagman” ni Vice President Sara Duterte, at iginiit na kapani-paniwala ang mga alegasyon nito kaugnay ng reklamong impeachment.

Ayon kay Acidre, detalyado at mahirap imbentuhin ang supplementary affidavit ni Madriaga dahil sa lawak ng impormasyong inilatag nito. Aniya, malinaw at tuloy-tuloy ang salaysay ng testigo na nagpapakita ng malalim na kaalaman sa mga sinasabing transaksyon.

Dagdag pa ng mambabatas, may direktang kaalaman umano si Madriaga dahil sa malapit nitong ugnayan kay Duterte at sa ama nitong si Rodrigo Duterte.

Matatandaang humarap si Madriaga sa pagdinig ng House Committee on Justice noong Abril 14, kung saan isinumite niya ang kanyang 24-pahinang sworn statement na naglalaman ng mas detalyadong bersyon ng nauna niyang affidavit na lumabas sa publiko noong nakaraang taon.

Advertisement

Ayon pa kay Acidre, nagprisinta rin umano si Madriaga ng mga ebidensya tulad ng mga tseke at larawan upang suportahan ang kanyang mga pahayag.

Gayunman, kinuwestiyon ng ilang mambabatas ang kredibilidad at motibo ng testigo dahil siya ay kasalukuyang nakakulong sa ilalim ng Bureau of Jail Management and Penology sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.

Sinabi ni Acidre na mas tumitibay ang mga alegasyon kapag isinasaalang-alang ang mga naunang audit findings na nag-flag ng kakulangan sa dokumentasyon ng paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President.

Dagdag pa niya, nanumpa si Madriaga at nagsumite ng waiver of bank secrecy, na nagpapakita umano ng kahandaan nitong patunayan ang kanyang mga pahayag.

Advertisement