Pansamantalang nakalaya si Rep. Kiko Barzaga ng Dasmariñas, Cavite, matapos maglagak ng piyansa kaugnay ng walong magkakahiwalay na kasong cyberlibel, ayon sa Cavite Police Provincial Office.

Batay sa ulat ng Dasmariñas Component City Police Station, boluntaryong sumuko si Barzaga, kinatawan ng Dasmariñas, kasunod ng inilabas na warrant of arrest ng Makati City Regional Trial Court.

Agad din siyang nakalaya bandang alas-10:25 ng gabi noong Lunes, Abril 13, matapos magpiyansa ng kabuuang ₱384,000 para sa walong bilang ng cyberlibel.

Nag-ugat ang kaso sa kanyang online post kung saan inakusahan niya si Enrique Razon, negosyante, ng umano’y panunuhol sa mga kongresistang miyembro ng National Unity Party upang suportahan ang speakership bid ni Martin Romualdez sa ilalim ng 20th Congress.

Advertisement

Nauna nang humingi ng paumanhin si Barzaga noong Enero 2026 kay Razon at inaming nag-ugat ang kanyang mga pahayag sa personal na galit.

Sinabi rin ng kongresista na handa niyang tanggapin ang anumang magiging parusa kaugnay ng mga kasong isinampa laban sa kanya.

Advertisement