
Ipinanukala ni House Senior Deputy Majority Leader Rep. Leila De Lima ang pagbibigay ng full compensation at agarang reparasyon sa natitirang miyembro ng Filipino comfort women, kilala bilang Malaya Lolas, bilang pagtugon sa matagal nang kawalan ng hustisya sa kanila noong panahon ng digmaan.
Sa ilalim ng House Resolution 912, hinihikayat ni De Lima ang Executive Department at iba pang ahensya ng gobyerno na magbigay ng nararapat, mabilis, at epektibong danyos sa mga nakaligtas na Malaya Lolas at, kung naaangkop, sa pamilya o tagapagmana ng mga yumao.
Binanggit ni De Lima na ang pinakakilala at matinding insidente ay naganap noong Nobyembre 1944 nang sapilitang dinala ng Imperial Japanese Army ang mga kababaihan sa “Bahay na Pula” sa San Ildefonso, Bulacan, kung saan sila ay inabuso, pinahirapan, at isinailalim sa karahasan at di-makataong kondisyon ng pagkakakulong.
Dagdag niya, bahagi ng obligasyon ng estado sa ilalim ng Konstitusyon at sa CEDAW (Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination Against Women) ang pagbibigay ng hustisya at proteksyon sa karapatan ng kababaihan. Kabilang sa mga hinihinging aksyon ang:
- Sapat at makabuluhang kompensasyon para sa pisikal, sikolohikal, emosyonal, sosyal, at intergenerational na pinsalang natamo;
- Komprehensibong rehabilitasyon at suporta, kabilang ang medikal, psychosocial, at social assistance na naaayon sa kalagayan ng natitirang Malaya Lolas;
- Pagpapanatili at proteksyon ng “Bahay na Pula” at iba pang makasaysayang lugar;
- Pagsasama ng kasaysayan ng wartime sexual slavery sa edukasyon sa elementarya at sekundarya;
- Mga panukala at programa para maiwasan ang pag-uulit ng karahasan at mapalakas ang pananagutan sa paglabag sa karapatang pantao.
Ani De Lima, “Walang dahilan para ipagkait ang makatarungang serbisyo sa Malaya Lolas. Ito ay hindi lamang hustisya para sa kanila, kundi pagpapakita rin ng proteksyon at respeto sa karapatan at dignidad ng kababaihan sa bawat henerasyon.”
Ang panukala ay muling naglalayong tuparin ang rekomendasyon ng CEDAW Committee noong Marso 2023 na nagsabing nabigo ang gobyerno na magbigay ng sapat na redress sa mga nakaligtas.







