Tinuligsa ni dating senador at ngayo’y kinatawan na si Rep. Leila de Lima ang hindi pagdalo ni Vice President Sara Duterte sa pagdinig ng House Committee on Justice, at inilarawan ito bilang pambabastos sa Konstitusyon at posibleng “betrayal of public trust.”

Ayon kay De Lima, nakakadismaya ang umano’y lantarang pagbalewala ng Bise Presidente sa proseso ng impeachment na isinasagawa ng Kamara. Aniya, kung hindi man makadalo si Duterte, nararapat lamang sana na nagpadala ang kampo nito ng pormal na pahayag bilang paggalang sa komite.

Iginiit din ng mambabatas na mali ang pananaw na ang kasalukuyang pagdinig ay isa nang ganap na paglilitis. Aniya, ang yugtong ito ay maituturing pa lamang na preliminary investigation kung saan sinusuri ang mga ebidensya upang matukoy kung may sapat na batayan ang reklamo.

Binigyang-diin ni De Lima na sa ganitong proseso, nananatili ang mga karapatan ng respondent, kabilang ang right to counsel at ang pagkakataong humarap upang sagutin ang mga katanungan ng komite.

Advertisement

Upang patibayin ang kanyang punto, binanggit din niya ang pananaw ni Noel Tijam hinggil sa obligasyon ng mga opisyal na makipagtulungan sa ganitong uri ng imbestigasyon.

Matatandaang inaasahan ang pagharap ni Duterte upang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya, subalit ang kanyang hindi pagdalo ay nagdulot ng tensyon sa pagdinig.

Para kay De Lima, ang ganitong hakbang ay nagpapakita ng kawalan ng respeto sa pormal na proseso ng impeachment at maaaring makasira sa tiwala ng publiko sa mga institusyon ng pamahalaan.

Advertisement