Tiniyak ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na matibay at handa sa pagsusuri ng Korte Suprema ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte ngayong 2026.

Ayon kay Ridon, miyembro ng House Committee on Justice, nakabatay sa ebidensya at umiiral na batas ang bawat hakbang ng komite sa pagtalakay ng impeachment complaint. Aniya, kung aabot man sa Supreme Court of the Philippines ang usapin, kaya itong ipagtanggol nang naaayon sa Konstitusyon.

Iginiit din ng mambabatas na hindi haka-haka ang mga alegasyon laban sa bise presidente, dahil suportado umano ito ng mga ulat mula sa Commission on Audit, mga pagdinig ng House Blue Ribbon Committee, at mga dokumentong tulad ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Binanggit ni Ridon na mula 2007 hanggang 2024, tinatayang nasa P30 hanggang P40 milyon lamang ang kabuuang suweldo ni Duterte, ngunit umabot umano sa humigit-kumulang P88 milyon ang kanyang net worth noong 2025, na aniya’y nangangailangan ng paliwanag.

Advertisement

Dagdag pa niya, gumagamit ng subpoena ang komite upang suriin ang business, tax, at professional records kaugnay ng mga ari-arian. Ipinunto rin niya na batay sa COA findings, hindi maaaring gamitin ang confidential funds sa mga gawaing hindi saklaw nito.

Tiniyak naman ni Ridon na sinusunod ang due process sa buong proceedings at nabibigyan ng pagkakataon si Duterte na magpaliwanag at maglatag ng ebidensya sa bawat yugto ng imbestigasyon.

Advertisement