Tinuligsa ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang liham ng mga abogado ni VP Sara Duterte, at tinawag itong “erroneous” dahil umano sa maling pagkwestiyon sa kapangyarihan ng House Committee on Justice.

Naghain ng mosyon si Rodriguez upang hikayatin ang House Committee on Justice na maglabas ng opisyal na tugon laban sa liham ng kampo ng Bise Presidente na ipinadala kay House Panel Chair Gerville Luistro, ang chairperson ng komite.

Sa naturang liham, iginiit ng anim na abogado ni Duterte na walang hurisdiksyon ang komite ng Kamara upang magsagawa ng tinawag nilang “mini-trial,” at binigyang-diin na tanging Senado lamang ang may kapangyarihang lumitis sa ilalim ng Konstitusyon.

Mariin itong kinontra ni Rodriguez, na nagsabing mali ang interpretasyon ng kampo ng respondent. Ayon sa kanya, ang kasalukuyang isinasagawang pagdinig ay hindi pa isang ganap na paglilitis kundi bahagi pa lamang ng proseso upang tukuyin kung mayroong probable cause ang mga reklamong inihain.

Advertisement

Ipinaliwanag pa ng mambabatas na ang mga reklamo ay dumaan na sa pagsusuri ng sufficiency in form, substance, at grounds, kaya’t makatuwiran lamang na ipagpatuloy ang pagdinig.

Dahil dito, iminungkahi niya na pormal na pabulaanan ng komite ang mga alegasyong nakasaad sa liham ng kampo ng Bise Presidente.

Sa kabila ng umiinit na usapin sa hurisdiksyon, tiniyak ni Rodriguez na patuloy pa ring iimbitahan ang kampo ni Duterte sa mga susunod na pagdinig upang matiyak ang pagsunod sa due process at mabigyan sila ng pagkakataong sagutin ang mga paratang.

Advertisement