NAGA CITY- Pinaghahanap na ngayon ng mga otoridad ang isang retired Philippine Army matapos na manutok ng baril sa Brgy. San Jose Basud, Camarines Norte.
Kinilala ang suspek na si Edwin Espina, 48-anyos, residente ng Brgy Mocong, Basud, Camarines Norte.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO) napag-alaman na nauwi sa hindi pagkakaintindihan ang pag-uusap lamang sana ng suspek at ng biktima na kinilalang si Rommel Dasco.
Batay sa imbestigasyon, pinagbantaan ni Espina ang biktima na babarilin kung saan agad nitong binunot ang baril mula sa dala nitong back pack.
Dahil dito agad na nagtungo ang biktima sa kanilang barangay kapitan, kung saan agad naman nitong ipinagbigay alam sa mga otoridad ang nasabing pangyayari.
Narecover ng mga ito ang nasabing bag na pagmamay-ari ng suspek at agad na dinala sa Barangay Hall ng lugar.
Kaugnay nito, nakuha dito ang isang caliber 45 na may magazine at siyam na live ammunitions.
Ngunit ng aarestuhin na ng mga otoridad ang suspek agad itong nakatakas.
Sa ngayon nakipag-ugnayan na sa barangay kapitan ng lugar ang mga kapulisan maging sa Armed Forces of the Philippines detachment para sa posibleng agad na pagkakahuli sa nasabing suspek.