NAGA CITY – Mas lalo lamang umanong lulumpuhin ng Rice Liberalization Law ang industriya ng agrikultura sa bansa dahil hindi naman nito kayang tuparin ang mga pangako na nakapaloob sa nasabing batas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Cathy Estavillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas, sinabi nito na sa loob ng mahabang panahon hindi naman nagampanan ng Rice Liberalization Law ang tungkulin nito sa mga magsasaka at sa industriya ng agrikultura ng Pilipinas, ito’y dahil hindi naman umano nasasagot ng nasabing batas ang totoong problema ng mga magsasaka.
Aniya, unang taon pa lamang ng implementasyon ng naturang batas, agad na nitong pinalugmok ang pamumuhay ng mga magsasaka matapos sumadsad sa P7 ang bentahan ng palay sa Pilipinas, kung saan nasa P15 lamang ang naitalang pinakamataas na bilihan nito sa loob ng ilang taon na implementasyon nito.
Ito’y dahil na rin sa pag-alis sa National Food Security ng kakayahan na mag-regulate sa presyo ng palay sa bansa upang masiguro ang food security sa Pilipinas.
Hindi lamang umano mga magsasaka ang naapektuhan ng nasabing batas kung hindi maging ang mga consumer dahil hindi naman nito natupad ang pangakong pagbaba ng presyo ng bigas sa P25.00 bagkus mas lalo lamang itong tumataas.
Paliwanag pa ni Estavillo, lahat kasi ng ani ng mga magsasaka ay mapupunta rin lamang sa mga traders na siyang nagtatakda ng presyo ng bigas sa merkado.
Kaugnay nga nito, matapos ang apat na taong implementasyon, nakapagtala ang Bantay Bigas ng P261-B na pagkalugi sa sektor ng palayan sa bansa dahil sa patuloy na pagbagsak ng farm gate prices ng palay na labis namang nakakaapekto sa mga magsasaka.
Kaya naman apela ng opisyal na ibalik na ang mandato ng National Food Authority na makialam sa presyuhan ng bigas sa Pilipinas at ibasura na ang Rice Liberalization Law na isa lamang pasakit sa mga magsasakang Pilipino.