Nanguna ang tambalang Naga City Mayor Leni Robredo at Sen. Raffy Tulfo na may 44% suporta sa adult Filipinos sa OCTA Research First Quarter Tugon ng Masa survey, na mas mataas kumpara sa 40% ng tambalang Sara Duterte at Imee Marcos sa isang hypothetical 2028 election match-up.

Ayon sa OCTA Research, ang 16% ng mga respondents ay nananatiling undecided, na tinawag nilang “significant segment” na hindi pa nakakapili ng susuportahang tandem.

Isinagawa ang survey mula Marso 19 hanggang 25, 2026 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adult respondents na edad 18 pataas. May ±3% margin of error ito sa national level at 95% confidence level, habang ±6% naman sa mga subnational areas gaya ng NCR, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.

Ayon sa poll firm, ang resulta ay nagpapakita ng “competitive tandem preference landscape,” dahil maliit lamang ang agwat ng dalawang pangunahing tambalan sa national level. Dagdag pa ng OCTA, ito ang unang pagkakataon na lumamang ang Robredo–Tulfo tandem sa Duterte–Marcos tandem sa kanilang Tugon ng Masa surveys.

Advertisement

Sa regional breakdown, malakas ang suporta sa Robredo–Tulfo tandem sa NCR na umabot sa 61%, sinundan ng Balance Luzon na 57% at Visayas na 48%, ngunit mababa ito sa Mindanao na nasa 5% lamang.

Samantala, ang Duterte–Marcos tandem ay nakakuha ng 86% sa Mindanao, 40% sa Visayas, at 23% sa Balance Luzon at NCR. Ang survey ay hindi kinomisyon ng kahit anong grupo, ayon sa OCTA.

Advertisement