photo © web

Posibleng makaranas ng bahagyang ginhawa ang mga motorista sa susunod na linggo matapos ang inaasahang rollback sa presyo ng diesel at gasolina, kasunod ng paglambot ng oil prices dulot ng dalawang-linggong ceasefire sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

Batay sa galaw ng Mean of Platts Singapore (MOPS) sa unang tatlong araw ng linggo, tinatayang bababa ang presyo ng diesel ng ₱2.50 hanggang ₱3.40 kada litro, habang ang gasolina ay maaaring bumaba ng humigit-kumulang ₱1.00 kada litro. Gayunman, maaari pa itong magbago depende sa trading hanggang Abril 10.

Ayon sa oil industry source, bumaba ang MOPS prices at premiums dahil sa ceasefire deal sa Middle East, bagama’t may bahagyang pag-angat na muling nakikita sa kasalukuyang projections.

Ang ceasefire ay napagkasunduan ng Estados Unidos at Iran upang pansamantalang ihinto ang tensyon, kabilang ang pagbubukas ng Strait of Hormuz na mahalaga sa pandaigdigang suplay ng langis. Umaabot sa halos isang-kalimang bahagi ng global oil supply ang dumaraan sa nasabing ruta.

Advertisement

Samantala, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sasamantalahin ng Pilipinas ang dalawang linggong tigil-putukan upang mapalakas ang suplay ng petrolyo sa bansa at posibleng mapababa ang presyo ng langis.

Advertisement