Itinanggi ni dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque ang reklamong land-grabbing at iginiit na handa siyang harapin ang anumang kaso laban sa kanya, matapos ireklamo ng 15 magsasaka ang paglipat ng kanilang lupain sa isang POGO-related na private corporation.
Ayon sa reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI), bahagi ng lupain ng mga magsasaka na sakop ng Certificates of Land Ownership Award (CLOA) sa Bataan ay inilipat sa isang private corporation na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) nang walang clearance mula sa Department of Agrarian Reform (DAR).
Giit ni Roque, ang insidente ay bahagi lamang ng paninira sa kanya at wala pang pormal na kaso na isinampa, dahil kasalukuyang nasa antas lamang ng reklamo ang sitwasyon.
Pinanatili ng abogado na handa siyang harapin ang anumang legal na hakbang laban sa kanya, kung kinakailangan.











