Kinuwestyon ni dating Presidential Spokesperson na si Atty. Harry Roque ang naging desisyon ng Pasig City Regional Trial Court na kanselahin ang kanyang pasaporte at ideklara siyang ‘pugante,’ habang naghain siya ng petisyon sa Court of Appeals upang pigilan ang implementasyon nito.
Sa isang online post, ibinahagi ni Roque ang kanyang inihain na petisyon sa Court of Appeals kung saan hinihiling niyang maglabas ito ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa mga naging ruling ng Pasig RTC.
Ayon sa kampo ni Roque, nilabag umano ng korte ang kanyang mga karapatan at wala umanong sapat na legal na basehan ang pagkansela ng kanyang pasaporte at ang pagdeklara sa kanya bilang pugante.
Sa naturang petisyon, iginiit ng dating opisyal na nagkaroon ng grave abuse of discretion ang Pasig RTC sa mga inilabas nitong resolusyon noong Nobyembre 2025 at Pebrero 2026.
Ipinaliwanag din ni Roque na hindi umano kinilala ng korte ang kanyang karapatan sa due process, presumption of innocence, at freedom to travel.
Dagdag pa niya, nabigo rin umano ang hukuman na isaalang-alang ang kanyang patuloy na paghiling ng asylum sa Europe, na aniya’y dapat igalang ng Pilipinas alinsunod sa international law.
Sa kasalukuyan, nahaharap si Roque sa kasong qualified human trafficking kaugnay ng umano’y operasyon ng ilegal na POGO hub sa Porac, Pampanga.














