Photo © web

Tinawag ni dating presidential spokesman Harry Roque na bahagi ng “continuing pattern” ng umano’y pangha-harass ang kasong tax evasion na inihain laban sa kanya at sa kanyang mga co-respondents.

Ginawa ni Roque ang pahayag matapos magsampa ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng reklamo sa Department of Justice laban sa kanya, sa kanyang asawang si Mylah Reyes Roque, at kay Percival Sazon Ortega kaugnay ng umano’y tax violations ng Bianchan Holdings and Trading Inc.

Ayon kay Roque, naniniwala silang may motibong politikal ang kaso at layuning i-pressure ang mga indibidwal na iniuugnay o sumusuporta sa nakaraang administrasyong Duterte.

“These filings form part of a continuing pattern of actions which we believe are politically motivated and intended to harass and pressure individuals associated with, or perceived to be supportive of, the Duterte administration,” ani Roque sa kanyang pahayag.

Advertisement

Iginiit naman ng BIR na base sa kanilang imbestigasyon, nabigo umano ang mga respondent na magsumite ng kinakailangang tax returns at magbayad ng tamang buwis kaugnay sa paglipat ng shares of stock at pagtaas ng authorized capital stock ng kumpanya.

Pinabulaanan ito ni Roque at sinabing walang aktwal na issuance o subscription ng shares, kaya’t wala umanong naganap na taxable event na magdudulot ng pananagutan sa buwis.

Dagdag pa niya, wala umanong sapat na batayan ang mga alegasyon at masyado pang maaga upang magpasya ukol dito.

Tiniyak ni Roque na haharapin nila ang kaso sa pamamagitan ng mga legal na proseso at nananatili silang kumpiyansa na mapapatunayan ang kanilang panig sa isang patas na pagsusuri.

Advertisement