NAGA CITY – Tuluyang binawian ng buhay ang isang seaman matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Diversion Road, Purok 1, Brgy. Bocohan, Lucena City.

Kinilala ang biktima na si Ispin Luzanta Monteclaro, 52-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office napag-alaman na dakong alas-7:30 ng gabi kagabi habang nasa loob ng kaniyang hardware ang biktima na katabi lamang ng kaniyang bahay nang bigla na lamang pumasok ang suspek na nakasuot ng camouflage hoodie jacket at bigla na lamang pinagbabaril ang biktima gamit ang hindi pa malamang kalibre ng baril.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad nabatid na dahil sa naturang insidente, nagtamo ng tama ng bala ng baril ang biktima sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan na agad namang dinala sa ospital para sa asistensya medikal ngunit tuluyan naman itong binawian ng buhay habang nirerevive ng mga doktor.

Samantala, agad namang tumakas ang suspek matapos ang krimen bitbit ang baril na ginamit nito. ‘

Narekober naman ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng insidente ang tatlong fired cartridge cases ng baril.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang pagtunton ng mga awtoridad sa posibleng kinaroroonan at pagkakakilanlang ng tumakas na suspek.