Sinusuri ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang posibilidad na alisin ang moratorium sa pagpaparehistro ng bagong online lending platforms (OLPs) ng financing at lending companies (FLCs) upang mapalawak ang access ng publiko sa credit sa ilalim ng mas mahigpit na consumer protection measures.

Ayon sa SEC, naglabas ito nitong Marso 12, 2026, ng draft memorandum circular para sa pampublikong komento, na nagtatakda ng gabay sa pag-aalis ng moratorium at pag-prescribe ng prudential, disclosure, at market conduct requirements para sa mga FLC. Maaaring magsumite ng komento ang publiko hanggang Marso 25.

Ang moratorium sa mga bagong OLP at FLC ay ipinatupad mula Nobyembre 5, 2021, sa ilalim ng SEC Memorandum Circular No. 10, series of 2021. Nilinaw ng SEC na layunin ng panukala na hikayatin ang responsable at makabagong pagnenegosyo, palakasin ang economic activity, at tiyakin ang operasyon ng OLPs na sumusunod sa consumer protection, market integrity, prudential objectives, financial inclusion, at global digitalization trends.

Kasama sa mga panukalang gabay ang mas mahigpit na proteksyon laban sa abusive at unfair debt collection practices alinsunod sa RA 3765 (Truth in Lending Act), RA 11765 (Financial Products and Services Consumer Protection Act), at RA 10173 (Data Privacy Act).

Advertisement

Ang SEC ay naglalayong limitahan ang bilang ng OLPs ng bawat FLC sa 10 para masiguro ang manageable oversight at mabawasan ang systemic risk. May tatlong taong palugit ang umiiral na FLCs upang matugunan ang bagong capital requirements sa pamamagitan ng Capital Compliance Plan.

Ipinatupad din ang Single Certificate of Authority (CA) policy, kung saan bawat FLC ay bibigyan lamang ng isang CA para sa principal at branch offices. Babayaran ang Annual Licensing Fee (ALF) base sa assets ng kumpanya, mula 0.10% hanggang 0.35%.

Bukod dito, mahigpit na ipinagbabawal ang FLCs na gamitin o i-scrape ang personal na contact lists, social media, o messaging records ng borrowers para sa debt collection. Ang automated o pre-programmed messages ay limitado lamang sa neutral payment reminders na walang banta o pananakot. Ipinagbabawal din ang outsourcing ng core lending functions sa third-party providers.

Lahat ng FLCs na nagpapatakbo ng OLPs ay kinakailangang magparehistro sa Credit Information Corporation (CIC) at regular na magsumite ng tumpak na credit data para sa maayos na pagsusuri ng credit risk bago aprubahan ang loan ng borrower.

Advertisement