NAGA CITY – Pinagbabaril-patay sa loob mismo ng bahay nito ang sekretaryo ng acting Municipal Mayor ng Pamplona, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Salvador Nasol alyas Sir Bong, 60-anyos, residente ng Zone 7, Brgy. Tambo, sa nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt. Monica San Juan, Deputy Chief of Police (DCOP) ng Pamplona Municipal Police Station (MPS), sinabi nito na pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang nasabing bikitma.

Nabatid din na walang kasama sa loob ng bahay ang biktima ng mangyari ang insidente, kung kaya wala ring nakakita sa mga suspek.

Aniya, ayon pa sa mga kamag-anak ni Nasol, wala naman umano itong nakaalitan o nakaaway sa kanilang lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, narekober sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang basyo ng bala, dalawang piraso ng slug ng bala at isang deformed jacket ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Maliban dito, nakakuha rin umano ng CCTV footage malapit sa pinangyarihan ng krimen, kung saan agad naman nila itong ipinasuri para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga nakatakas na suspek.

Sa ngayon, ayon pa kay San Juan, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad gayundin ang pagtukoy sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakahuli sa mga suspek hinggil sa naturang krimen .