Mariing kinontra ni Senador Sherwin Gatchalian ang panukalang muling ipagpaliban ang 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), iginiit na ito ay labag sa Konstitusyon at maglilimita sa karapatan ng mga botante na makapili ng kanilang mga lider.
Ayon kay Gatchalian, walang sapat na dahilan upang ipagpaliban ang halalan dahil hindi naman umano kapos ang pondo ng pamahalaan. Aniya, ang nakalaang P9 bilyon para sa BSKE ay maliit kumpara sa tinatayang P230 bilyong maaaring ilaan para sa mga programang ayuda.
Binigyang-diin ng senador na mahalaga ang pagpapatuloy ng eleksyon upang mapanatili ang demokratikong proseso sa barangay at hanay ng kabataan.
Ang pahayag ni Gatchalian ay kasunod ng mungkahi ng ilang mambabatas na i-realign ang pondo ng BSKE upang tugunan ang krisis sa enerhiya. Kabilang sa mga nagpahayag ng suporta sa pagpapaliban ay si Senadora Imee Marcos, na nagmungkahing itakda na lamang sa ibang petsa ang halalan.
Samantala, iginiit ng Commission on Elections (Comelec) na ipinagbabawal ng Korte Suprema ang paggamit ng pondo para sa halalan sa ibang layunin. Gayunman, sinabi ng komisyon na susunod ito kung magkakaroon ng pagbabago sa batas hinggil sa iskedyul ng eleksyon.
Batay sa datos ng Comelec, umabot na sa mahigit 3.9 milyong bagong botante ang nakarehistro para sa BSKE 2026—halos tatlong beses na mas mataas kaysa sa target na 1.4 milyon.
Ang BSKE 2026 ay nakatakdang idaos sa Nobyembre 2, 2026, matapos na ipagpaliban mula sa orihinal na petsang Disyembre 1, 2025.














