Ipinagtanggol ni Senador Robinhood Padilla si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa gitna ng mga tanong ng media tungkol sa umano’y pagtatago nito kaugnay ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).

Sa panayam nitong Lunes, sinabi ni Padilla na ang alam niya ay ayaw ni Dela Rosa na “makidnap,” bilang tugon sa mga tanong kung bakit hindi umano ito nagpapakita sa publiko.

“Basta ako si Bato ayaw niyang makidnap,” ani Padilla.

Ito ang unang public appearance ni Padilla mula noong Huwebes, nang maiulat na kasama umano niya si Dela Rosa nang umalis ito sa Senado ilang oras matapos ang insidente sa loob ng kapulungan.

Advertisement

Tumanggi si Padilla na kumpirmahin kung siya ang nagmaneho o naghatid kay Dela Rosa palabas ng Senado, ngunit sinabi niyang sasagot siya sa mga tanong sa tamang imbestigasyon.

Giit din niya, batay sa pahayag umano ni Senate President Alan Peter Cayetano, walang umiiral na warrant of arrest laban kay Dela Rosa kaya walang dahilan upang sabihing ito ay tumatakas sa batas.

Itinanggi rin ni Padilla ang mga ulat na nakita umano si Dela Rosa sa Ninoy Aquino International Airport o na umalis sila sakay ng yate, at sinabing hindi makatuwiran ang mga ganitong espekulasyon kung may intensyon silang lumabas ng bansa.

Advertisement