Inamin ni Senador Robinhood Padilla na isinakay niya si Senador Ronald “Bato” dela Rosa palabas ng Senado, ngunit iginiit niyang wala siyang alam sa pinuntahan nito matapos bumaba sa Makati City.
Ginawa ni Padilla ang paglilinaw kasunod ng mga akusasyong tinulungan niya si dela Rosa na makatakas sa gitna ng isyu ng umano’y arrest warrant laban sa senador.
Ayon kay Padilla, wala naman umanong aktibong arrest warrant mula sa lokal na korte kaya wala siyang nakitang dahilan upang tanggihan ang pakiusap ni dela Rosa.
Sinabi rin ng senador na madaling araw noong Mayo 14 ay kinailangan niyang umuwi matapos hanapin ng kaniyang asawa, ilang oras matapos ang pamamaril sa loob ng Senado noong nakaraang linggo.
Paliwanag pa ni Padilla, wala umanong sariling sasakyan si dela Rosa noong mga oras na iyon dahil ibinaba lamang ito sa Senado ng sasakyan ni Senate President Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Padilla, ibinaba niya si dela Rosa sa Makati City kung saan sumakay na ito sa sarili nitong sasakyan.
Tugma naman umano ang kaniyang pahayag sa CCTV footage mula sa Senado na nagpapakita ng paglabas nila ni dela Rosa sa compound ng Senado bandang alas-2:30 ng madaling araw noong Mayo 14.
Kinumpirma rin umano ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na namataang patungong Makati City ang puting sasakyan ni Padilla.
Iginiit din ni Padilla na hindi sila tumakas dahil walang sinumang pumigil sa kanilang pag-alis sa Senado kahit may mga pulis at CCTV cameras sa paligid.














