Hinamon ni Senador Francis Pangilinan si Senador Robin Padilla kaugnay ng planong paghahain nito ng ethics complaint at sinabing magsasampa rin siya ng kontra-reklamo dahil umano sa pananakot at kawalan ng decorum sa Senado.
Sa inilabas na pahayag nitong Martes ng gabi, sinabi ni Pangilinan na wala umanong sapat na legal na basehan ang reklamong nais ihain ni Padilla at pinayuhan niya itong huwag maging “balat sibuyas.”
Ayon sa senador, sa matagal na niyang pananatili sa Senado ay ngayon lamang umano magkakaroon ng ethics case dahil sa sigawan o pagtataas ng boses sa plenaryo.
Binigyang-diin din niya na hindi maiiwasan ang maiinit na diskusyon at pagtataas ng boses sa gitna ng mga debate sa Senado.
Dagdag pa ni Pangilinan, kung maituturing na paglabag sa ethics ang naturang insidente, marami na umanong senador noon ang dapat nasampahan ng reklamo at naparusahan.
Sinabi rin niya na kung itutuloy ni Padilla ang reklamo, magsasampa siya ng counter-complaint laban dito dahil umano sa paglabag sa parliamentary rules, kawalan ng proper decorum, at umano’y pananakot at harassment habang naka-recess ang plenary session.
Ayon pa kay Pangilinan, hindi umano uubra sa kanya ang “pam-bu-bully at pa siga-siga.”
Nagsimula ang tensyon sa pagitan ng dalawang senador matapos talakayin sa Senado ang umano’y harassment at human rights violations na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa tangkang pagsisilbi ng arrest warrant laban kay Senador Ronald dela Rosa noong Lunes ng gabi.














