Inihayag ni Senate President Vicente Sotto III na magsasagawa muna ng pre-trial proceedings ang Senado bago ang pormal na impeachment trial sakaling maipadala ng Kamara ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Sotto, layunin ng pre-trial na maiwasan ang kalituhan sa proseso, batay sa karanasan noong 2012 impeachment trial ng yumaong Chief Justice Renato Corona, kung saan may mga “surprise witnesses” na naipresenta sa gitna ng paglilitis.
Sa panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni Sotto na bahagi ng pre-trial ang pagmamarka ng ebidensya at pagtukoy ng mga witness upang mapabilis at maayos ang pamamahala ng korte.
“Sa pre-trial dapat mayroon na doon ‘yung mga tinatawag na markings of evidence… para ma-expedite naman namin ‘yung kaso,” ani Sotto.
Dagdag pa niya, kung hindi magtatagal ang pre-trial, maaaring simulan ang trial proper sa kalagitnaan hanggang huling bahagi ng Hunyo.
Hinimok din ng Senate President na personal na dumalo si Duterte sa posibleng impeachment trial upang maipagtanggol ang sarili, bagama’t hindi umano ito sapilitan sa ilalim ng rules ng Senado.
“Dapat umattend. Mas magandang umattend,” aniya.
Tungkol naman sa interpretasyon ng Korte Suprema sa salitang “forthwith” sa Konstitusyon, iginiit ni Sotto na hindi ito nangangahulugang agarang pagsisimula kundi dapat ay sa loob ng makatwirang panahon, ngunit kinuwestiyon niya kung makatwiran ang ilang buwang pagitan ng transmission at pag-convene ng impeachment court.
Ayon sa Supreme Court of the Philippines, ang “forthwith” ay nangangahulugang “within a reasonable time,” ngunit dapat iwasan ang undue delay upang matiyak ang pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno.














