Tiniyak ni Sen. Panfilo Lacson na may sapat na pondo ang Senado ng Pilipinas para sa posibleng impeachment trial laban kay VP Sara Duterte.
Ayon kay Lacson, na siya ring chairman ng Senate Committee on Accounts, tinatayang nasa P26 milyon ang maaaring magamit mula sa P27 milyong inilaan sa ilalim ng General Appropriations Act of 2025.
Ipinaliwanag ng senador na kabilang ito sa “continuing appropriations,” kaya maaari pang magamit ang naturang pondo sa loob ng dalawang taon.
Ibinahagi rin niya na umabot na sa humigit-kumulang P500,000 ang nagastos ng Senado nang unang matanggap ang Articles of Impeachment laban kay Duterte noong nakaraang taon.
Giit ni Lacson, handa ang Senado sakaling maisumite muli ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang impeachment case, at tiniyak niyang ibabatay lamang sa ebidensya ang paghawak ng mga senador sa usapin.
Kasabay nito, pinaalalahanan niya ang mga kapwa mambabatas na maaaring magsilbing senator-judges na pairalin ang wastong asal at sundin ang tamang proseso kung sakaling umusad ang impeachment trial laban sa Bise Presidente.














