Kinuwestiyon ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang naging resolusyon ng Department of Justice (DOJ) kaugnay ng mga kasong isinampa laban sa kanya, matapos umanong hindi isaalang-alang ang mga opisyal na rekord na nagsasabing wala siyang isinagawang insertions sa 2025 national budget.
Ayon kay Estrada, hindi makatarungan ang naging hakbang ng DOJ dahil malinaw umanong sinabi ng Senate Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO) na wala siyang ipinasok na anumang insertions sa pambansang badyet para sa 2025.
Binanggit din ng senador na kinilala mismo ni Senador Panfilo Lacson, chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee, ang naturang impormasyon bilang mahalagang bahagi ng mga alegasyong ibinabato laban sa kanya.
Dahil dito, naghain si Estrada noong Mayo 15 ng omnibus motion sa DOJ upang muling buksan ang preliminary investigation kaugnay ng mga kasong isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa flood control projects.
Layunin umano ng mosyon na maisama at mapag-aralan ang karagdagang ebidensyang makatutulong sa patas at obhetibong pagdedesisyon sa mga reklamo.
Iginiit pa ng senador na hinihingi ng due process at katarungan na isaalang-alang ang lahat ng kaugnay na ebidensya at opisyal na findings bago maglabas ng anumang konklusyon.
Sa kabila nito, tiniyak ni Estrada na mananatili siyang nakatuon sa pagharap sa mga alegasyon sa pamamagitan ng tamang legal na proseso at naniniwalang mananaig ang katotohanan batay sa mga opisyal na rekord.














