Sinusuportahan ni Senate President Vicente Sotto III ang panukalang payagan ang ilang empleyado ng Senado na magtrabaho mula sa bahay upang makatulong sa pagtitipid ng enerhiya sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East.

Ayon kay Sotto, iminungkahi ni Senate Secretary Mark Llandro Mendoza na payagang mag-work from home ang mga empleyado ng Senado na hindi kinakailangang pisikal na pumasok sa opisina.

Sinabi ni Sotto na makatutulong ang naturang hakbang upang mabawasan ang paggamit ng kuryente at gasolina. Dagdag niya, kahit maliit na kontribusyon ay malaking tulong sa kasalukuyang sitwasyon.

Tinatayang kung maililipat sa work-from-home setup ang nasa 30% ng mga empleyado ng Senado, maaari nitong mabawasan ang konsumo ng enerhiya at fuel.

Advertisement

Nauna nang inanunsyo ni Ferdinand Marcos Jr. na ipatutupad simula Marso 9 ang pansamantalang four-day workweek sa mga tanggapan sa ilalim ng executive branch bilang bahagi ng energy conservation measures ng pamahalaan.

Kasabay nito, naglabas din ang Malacañang Palace ng Memorandum Circular No. 114 na nag-uutos ng mas mahigpit na pagtitipid sa enerhiya sa mga tanggapan ng gobyerno.

Samantala, nagpahayag din ng suporta si Sotto sa panawagang ipawalang-bisa ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 upang muling mabigyan ng kapangyarihan ang gobyerno na regulahin ang presyo at operasyon ng mga oil company sa bansa.

Advertisement