NAGA CITY- Patay ang isang senior citizen matapos na pagbabarilin sa Brgy. Baao, Mauban, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Fernando Jubelea Ibonia Sr, 79-anyos, residente ng Barangay Sto. Angel sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nakatayo sa may gilid nang kalsada sa nasabing lugar ang biktima ng bigla na lamang dumating ang suspek at walang kaabog-abog na pinagbabaril ang biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na dahil sa insidente, nagtamo nang tama ng bala nang baril si Ibonia sa kanang bahagi ng ulo nito.

Agad naman umano na isinugod sa ospital ang biktima pero binawian rin nang buhay makaraan ang ilang minuto.

Samantala, kaagad naman na tumakas ang suspek papunta sa hindi pa malaman na direksyon.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad gayundin ang posibleng pagkakakilanlan at pinagtataguan ng suspek.