Isinailalim sa isolation at pagsusuri ng Singapore ang dalawang residente nito na sakay ng cruise ship na konektado sa nakamamatay na hantavirus outbreak, ayon sa Communicable Diseases Agency (CDA).

Ayon sa CDA, ang dalawang lalaki na edad 67 at 65 ay kasalukuyang naka-isolate sa National Centre for Infectious Diseases matapos sumakay sa MV Hondius, isang cruise ship na naiulat na pinagmulan ng outbreak.

Iniulat na tatlong pasahero na—isang Dutch couple at isang German national—ang nasawi, habang walo naman ang pinaghihinalaang nahawa sa virus.

Ang hantavirus ay karaniwang naipapasa ng mga daga ngunit maaari rin sa bihirang pagkakataon na maipasa ng tao sa tao.

Advertisement

Sinabi ng ahensya na isa sa mga pasahero ay may sintomas ng sipon habang ang isa ay walang sintomas ngunit parehong patuloy na mino-monitor.

Dagdag pa ng CDA, mababa ang panganib sa publiko sa Singapore sa kasalukuyan.

Kung magnegatibo sa test, isasailalim sa 30-day quarantine ang dalawang pasahero mula sa huling exposure. Kung magpositibo naman, mananatili silang naka-admit para sa gamutan at monitoring.

Lumabas din sa imbestigasyon na parehong nakasabay ng isang kumpirmadong kaso ng hantavirus ang dalawa sa isang flight mula St. Helena patungong Johannesburg, bago sila bumalik sa Singapore.

Patuloy na tinutugis ng mga health authorities sa iba’t ibang bansa ang mga pasaherong sakay ng barko upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng virus.

Advertisement