Ipinahayag ng pulisya sa South Korea na “false” o walang katotohanan ang mga alegasyon laban sa Hallyu star na si Kim Soo-hyun kaugnay ng umano’y relasyon niya sa yumaong aktres na si Kim Sae-ron noong ito ay menor de edad pa.

Batay sa imbestigasyon ng Seoul Gangnam Police, natuklasan na ang mga paratang ay gawa-gawa lamang at gumamit pa umano ng AI-generated na boses at binagong screenshots bilang ebidensya.

Ayon sa pulisya, ang YouTube channel na “HoverLab” o Garo Sero Institute ay nagpakalat umano ng pekeng KakaoTalk conversations at minanipulang audio.

Dagdag pa ng mga awtoridad, alam umano ng operator ng channel na peke ang mga materyales ngunit sinadya pa rin itong ipakalat upang sirain ang imahe ng aktor at kumita sa YouTube.

Advertisement

Dahil dito, naghain na ang Seoul Central District Prosecutors’ Office ng arrest warrant laban sa head ng YouTube channel na si Kim Se-eui, na nakatakdang dinggin sa Mayo 26.

Nahaharap si Kim Se-eui sa kasong paglabag sa batas kaugnay ng ilegal na pagpapakalat ng materyales.

Matatandaang unang ibinato ang mga alegasyon sa pamamagitan ng naturang YouTube channel na nagsasabing nagkaroon umano ng relasyon sina Kim Soo-hyun at Kim Sae-ron noong menor de edad pa ang aktres, na mariin namang itinanggi ng kampo ng aktor at ng kanyang agency na GoldMedalist.

Ayon sa kampo ni Kim Soo-hyun, nagkaroon lamang sila ng relasyon noong pareho na silang nasa legal na edad.

Si Kim Sae-ron, na nakilala bilang child actress sa pelikulang “The Man from Nowhere,” ay naging inactive matapos masangkot sa drunk driving incident noong 2022 at natagpuang patay sa kanyang bahay noong Pebrero 2025 sa edad na 24.

Advertisement