NAGA CITY- Ipinagbawal muna ng South Korean government ang pagpasok ng mga residente ng China sa lugar upang maiwasan ang mas lumalalang sitwasyon ng pagkalat ng sakit na Novel Coronavirus na nagmula sa naturang bansa.

Sa report ni Bombo International Correspondent Sylvia Espinosa, pinuno ng ‘Basta Bicol Oragon Group’ sa South Korea, sinabi nito na bago makapasok sa bansa magigpit muna ang ginagawang inspeksyon ng immigration at kinakailangan munang magsailalim sa karampatang examinasyon.

Ipinatupad aniya ang naturang hakbang matapos maitala ang ikatalong kaso na nagpositibo sa naturang sakit na katauhan ng 54-anyos na koreano na mula sa Wuhan China.

Ayon kay Espinosa, kasabay ng pagdiriwang ng Chinese New Year, marami sana ang may balak na umuwing mga Pinoy sa Pilipinas subalit dahil sa takot na mahawaan kung kaya nanatili na lamang sa naturang lugar.

Sa ngayon ayon kay Espinosa, mas doble aniya ang ginagawang pag-iingat ng mga mamamayan sa lugar dahil mas delikado aniya ngayon na taglamig at prone sa iba’t ibang sakit.