Ipinahayag ni Senate President Alan Peter Cayetano na handa siyang bitawan ang kanyang posisyon kung mapapatunayan ng kabilang kampo na mayroon itong sapat na bilang ng boto para sa pagpapalit ng liderato sa Senado.

Sa plenary session nitong Lunes, sinabi ni Cayetano na bukas siya sa anumang pagbabago sa liderato kung mayroong 13 senador na susuporta rito.

“Show me 13 hands or 13 signatures, I will even administer your oath if you want to,” ani Cayetano sa gitna ng usap-usapang posibleng coup sa Senado.

Lumutang ang mga espekulasyon matapos iulat na itinutulak umano ng minority senators na kabilang sa tinatawag na Solid Bloc 11 si Senador Sherwin Gatchalian bilang bagong Senate President.

Advertisement

Gayunman, walang nangyaring pagbabago sa liderato noong Lunes.

Iginiit din ni Cayetano na nananatiling buo ang majority bloc.

“Buo yung 13, sa 13 walang onsehan,” dagdag niya.

Itinanggi rin ng Senate President na humina ang kredibilidad ng Senado sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Aniya, nagsimulang bumaba ang reputasyon ng institusyon nang sumiklab ang usapin hinggil sa flood control controversy.

Nagpahayag din siya ng pagkadismaya sa ilang puna laban sa kanya bilang lider ng Senado.

“Judge me as Senate President every single day, every single week… pero yung inuunahan, ‘di pa nga nag-uumpisa fresh start na, medyo foul naman yun,” pahayag niya.

Binigyang-diin din ni Cayetano ang kahalagahan ng pagkakaroon ng “independent Senate” upang matugunan ang mga suliranin ng bansa tulad ng inflation, ekonomiya, at edukasyon.

Ayon pa sa kanya, mas napagtutuunan umano ng pansin ang usapin ng umano’y Constitutional Assembly at pagbabago sa liderato kaysa sa mahahalagang isyu ng bansa.

Samantala, nagpatawag si Cayetano ng caucus kasama ang majority at minority blocs ngayong Martes, Mayo 26, upang talakayin ang impeachment process at iba pang natitirang legislative matters bago ang sine die adjournment ng Kongreso sa unang linggo ng Hunyo.

Sinabi rin niyang magkakaroon ng huling pagpupulong sa Mayo 28 ang Secretariat na magsisilbing clerk of court ng impeachment court.

Advertisement