Nagpositibo sa hantavirus ang isang Spanish national na naka-quarantine sa isang military hospital sa Madrid matapos itong ma-evacuate mula sa isang cruise ship na pinagmulan ng outbreak ng severe respiratory illnesses.

Kinumpirma ng Spain’s Health Ministry noong Lunes na ang pasyente ay kabilang sa mga inilikas mula sa luxury liner na MV Hondius noong unang bahagi ng buwan.

Ito na ang ikalawang positibong kaso ng hantavirus sa 14 na Spanish nationals na inilipat sa isla ng Tenerife matapos maitala ang kumpol ng severe respiratory illnesses sa barko.

Ang MV Hondius ay may sakay na humigit-kumulang 150 pasahero at crew mula sa 23 bansa nang unang iulat sa World Health Organization (WHO) ang outbreak noong Mayo 2.

Advertisement

Matapos makumpirma ang impeksyon, agad na inilipat ang pasyente sa isolation unit ng Gómez Ulla Hospital sa Madrid.

Ayon sa Spain’s Health Ministry, hindi naman umano binabago ng naturang kaso ang kasalukuyang antas ng panganib para sa pangkalahatang populasyon dahil natukoy ang impeksyon habang naka-quarantine na ang pasyente.

Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad sa kalusugan ang kalagayan ng iba pang mga na-evacuate mula sa cruise ship upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng sakit.

Advertisement