Nanawagan si House Speaker Faustino Bojie Dy III sa mga Pilipino na gawing panahon ng pagninilay, pagbabago, at pagpapahalaga ang paggunita ng Holy Week, lalo na sa gitna ng patuloy na mga personal at pambansang hamon.

Ayon kay Dy, napapanahon ang banal na pagdiriwang dahil marami pa ring Pilipino ang humaharap sa iba’t ibang pagsubok sa buhay. Aniya, nagiging mas makabuluhan ang mga aral ng sakripisyo, pagpapatawad, at pag-asa sa ganitong panahon.

Inaanyayahan ng House Speaker ang bawat mamamayan na pansamantalang huminto sa kanilang pang-araw-araw na gawain upang pagnilayan ang tunay na kahulugan ng Mahal na Araw.

Binigyang-diin din ni Dy na hindi lamang tradisyon ang paggunita sa Holy Week kundi isang mahalagang gabay sa moralidad. Aniya, pinapaalalahanan nito ang mga Pilipino ng mga pagpapahalagang nagpapatibay sa pagkakaisa at katatagan ng bansa.

Advertisement

Iginiit pa ng kinatawan ng Isabela na sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap ng bansa, nananatili ang pag-asa at pagkakataon para sa panibagong simula.

Hinimok din ni Dy ang publiko na isabuhay ang diwa ng Mahal na Araw sa pamamagitan ng pagpapatibay ng pananampalataya, pagpapalalim ng ugnayan sa pamilya, at pagpapakita ng tunay na malasakit sa kapwa.

Umaasa ang mambabatas na magsisilbing inspirasyon ang diwa ng Holy Week upang higit pang mapagtibay ang pagkakaisa at sama-samang pananagutan sa pagbuo ng isang mas mahabagin at matatag na bansa.

Advertisement