Tiniyak ni House Speaker Faustino Dy na ipapasa sa ilalim ng 20th Congress ang panukalang Motorcycle (MC) Taxi Law bilang tugon sa patuloy na epekto ng mataas na presyo ng langis sa mga rider at commuter.

Sa pagdinig ng House Legislative Energy Action Development (LEAD) Council, sinabi ni Presiding Officer at Marikina Rep. Miro Quimbo na may direktiba mula kay Dy na pabilisin ang pagpasa ng panukala para sa MC taxis at transport network vehicle services.

Sinang-ayunan naman ito ni House Committee on Transportation Chairman at Quezon City Rep. Franz Pumaren, na nagsabing nasa final stages na ang pagtalakay sa naturang panukala.

Matatandaang unang tinalakay ang MC Taxi Law noong 17th Congress ngunit hindi ito naipasa sa Kamara.

Advertisement

Ayon sa mga mambabatas, tinatayang nasa 200,000 riders ang umaasa sa pagpasa ng batas upang magkaroon ng reporma sa industriya, kabilang ang mas mababang platform commissions at pagkakaroon ng social protections tulad ng Social Security System (SSS), Pag-IBIG Fund, at PhilHealth.

Sa oras na maisabatas, mareregulate ang MC taxis bilang lehitimong mode of public transportation, kasama ang mga patakaran sa accreditation, safety standards, pamasahe, insurance, at maayos na working conditions.

Sa kasalukuyan, ang operasyon ng MC taxis ay nasa ilalim ng regulasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Binigyang-diin ni Dy na hindi sapat ang panandaliang ayuda sa mga rider, at kailangan ng pangmatagalang solusyon upang matiyak ang maayos na kita at kondisyon sa trabaho sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Advertisement