NAGA CITY – Naliligo na sa sadiring dugo ang isang sundalo nang maabutan ng kasamahan nito sa Enlisted Personnel Barracks, Camp Wenee Martillana, Brgy. San Jose, Pili, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Technical Sergeant Ricardo Caraballo Jr. 55-anyos, First Sergeant na naka-assign sa naturang kampo.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, nabatid na naabutan ni MSgt Felicio Casiano Padua ang katawan ni Caraballo na nakahandusay habang naliligo na sa dugo na nagmumula sa kanyang ulo.

Isang caliber 9MM pistol naman na pinaniniwalaang ginamit ng suspek sa pagbaril sa sarili ang nadiskobre sa loob ng kanyang barracks.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang pangyayari.