photo © web

Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na may sapat na suplay ng langis ang bansa na tatagal ng hanggang 50 araw, kasabay ng inaasahang pagdating ng karagdagang buffer stocks ngayong Abril.

Ayon kay DOE Undersecretary Sandy Sales, aabot sa 900,000 barrels ng langis ang inaasahang darating sa bansa ngayong buwan upang mapalakas ang reserba ng suplay.

Kabilang sa mga darating ang unang 300,000 barrels bago mag-Abril 10 na manggagaling sa Malaysia, habang susunod naman ang dalawa pang shipment mula sa North Asia at India.

Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na ang mga buffer stock ay kinukuha sa ilalim ng Emergency Energy Security Program, at may sapat pang panahon ang bansa upang magdagdag ng suplay kung kinakailangan.

Advertisement

Batay sa datos ng DOE, ang kasalukuyang imbentaryo ng gasolina, diesel, at iba pang produktong petrolyo ay tumatagal mula 47 hanggang mahigit 100 araw depende sa uri nito.

Sa kabila nito, nananatiling mataas ang presyo ng langis sa Metro Manila at iba pang urban areas, kung saan ang presyo ng gasolina ay nasa pagitan ng P87.90 hanggang P104.10 kada litro, habang ang diesel naman ay umaabot hanggang P154.20 kada litro.

Advertisement