Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may sapat na suplay ng langis ang Pilipinas na maaaring tumagal ng 50 hanggang 60 araw sa kabila ng tumitinding tensyon sa Middle East na inaasahang magtutulak sa pagtaas ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Ayon sa Pangulo, bagama’t posibleng sumirit ang presyo ng langis dahil sa umiigting na geopolitical tensions, hindi agad nanganganib ang bansa sa kakulangan ng suplay dahil sa kasalukuyang stockpile ng gasolina, fuel oil at kerosene.
Dagdag pa niya, may kani-kaniyang imbentaryo ang mga supplier ng petroleum products na maaari pang ilabas upang madagdagan ang reserba ng bansa sakaling kailanganin.
Kinilala rin ng Pangulo na ang sigalot sa Middle East ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa global oil prices, dahilan upang pag-aralan ng pamahalaan ang mga contingency measure para maibsan ang magiging epekto nito sa mga mamimili.
Kabilang sa mga tinutukoy na hakbang ang posibleng ayuda o targeted assistance sa mga sektor na pinakaapektado, gayundin ang mga mekanismong makatutulong sa mga sambahayan at negosyo kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.














