Limitado ang suplay ng mga parol sa Naga City People’s Mall dahil sa kakulangan ng mga panindang naihahatid sa mga tindahan, sa kabila ng pagdami ng mga mamimiling naghahanap nito bilang dekorasyon at proyekto sa paaralan ngayong papalapit ang Pasko.
Ayon kay Mayette Briones, isang tindera ng parol sa nasabing pamilihan, nagkukulang ang kanilang paninda dahil limitado rin ang suplay na natatanggap nila mula sa mga supplier.
Marami rin umanong magulang at estudyante ang bumibili ng parol, partikular na ang mga hugis-bituin na ginagamit sa mga year-end project sa paaralan.
May mga mamimili rin na naghahanap ng partikular na kulay ng parol dahil sa color coding na sinusunod ng mga estudyante batay sa kanilang grade level.
Nasa P35 hanggang P40 ang presyo ng bawat parol, habang nasa P5 hanggang P10 naman ang kinikita sa bawat piraso depende sa puhunan.
Kung ihahambing sa nakaraang taon, mas marami ang suplay noon kumpara sa kasalukuyan, kung saan may ilang kulay tulad ng pula at dilaw na hindi na available.
Samantala, sinabi ni Briones na posibleng magbago ang presyo depende sa pagdating ng bagong suplay, ngunit sa ngayon ay wala pa silang planong magtaas ng presyo.
Tiniyak din niya sa mga mamimili na inaasahan ang pagdating ng karagdagang suplay sa mga susunod na araw, kabilang ang iba’t ibang kulay na hinahanap ng mga parokyano.














