Maaari nang bumili ang publiko ng mga parol na likha ng Persons Deprived of Liberty o PDL sa Iriga City District Jail bilang bahagi ng kanilang livelihood program ngayong papalapit ang Kapaskuhan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay JSUPT Denver S. Tirao, Acting District Jail Warden ng Iriga City District Jail, sinabi nitong nagsimula pa noong 2020 ang paggawa ng parol na kasalukuyang nilalahukan ng mahigit 20 PDL.

Nagkakahalaga ang bawat parol ng P250, P300 hanggang P500 depende sa laki nito na umaabot sa isa hanggang dalawang talampakan.

Ayon kay Tirao, hindi lamang paghahanda sa Pasko ang layunin ng programa kundi ang mabigyan din ng karagdagang kita ang mga PDL at kanilang pamilya, gayundin ang mapaunlad ang kanilang mga kakayahan.

Advertisement

Sa ngayon, nasa 250 piraso na ng parol ang naideliver ng pasilidad, kabilang ang mga order mula sa LGU Iriga. May koordinasyon na rin sila sa DepEd, mga paaralan at barangay na interesado sa pagbili ng kanilang mga produkto.

Bukod sa paggawa ng parol, mayroon ding coffee shop, bakery, tailoring, metal craft at basket weaving na mga programang pangkabuhayan sa loob ng pasilidad sa tulong ng TESDA, LGU, DOLE at PESO.

Inaasahan naman ng pamunuan na mas dadami pa ang mga order sa Disyembre kasunod ng pagdami ng mga nagtatanong simula Nobyembre.

Dahil dito, hinikayat ni Tirao ang publiko na bumisita sa Iriga City District Jail upang makita at makabili ng mga parol na gawa mismo ng mga PDL.

Giit niya, ang kanilang pasilidad ay hindi lamang lugar ng detensyon kundi isang komunidad na naghahanda sa mga PDL para sa panibagong buhay sa oras ng kanilang paglaya.

Advertisement