NAGA CITY- Kinakailangan umano ng mga magsasaka ang tulong na nagmumula sa gobyerno upang maibalik ang kanilang maayos na kita sa kanilang hanap-buhay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, sinabi nito na ngayon pa lamang, kinakailangan na ng bansa na mag-invest sa mas murang bigas.
Ibig sabihin umano dapat lamang na bigyang suporta ang mga magsasaka sa pamamagitan ng mga inputs, pataba at farm to market road at iba pang tulong na maaring ibigay sa mga ito gaya nang suporta na ipinapakita ng Thailand at Vietnam sa kanilang sektor sa agrikultura.
Ayon pa kay Africa, mas kailangan din ang dagdag na ayuda dahil mababatid na bumaba ang kita ng mga magsasaka sa loob ng dalawa’t kalahating taon hindi lamang dahil sa COVID-19 pandemic, kundi dahil na rin sa mga mahahabang lockdown na ipinatupad sa Pilipinas.
Dagdag pa nito, na kung ikukumpara hindi naman naging mahaba ang lockdown na ipinatupad ng ibang bansa kung kaya hindi naging malaki ang epekto sa kanilang hanap-buhay.
Sa ngayon, ang pwede umano na gawin ng gobyerno ang magbigay ng ayuda para naman sa kabila ng patuloy na pagtaas ng mga bilihin hindi masyadong maging mabigat para sa mga ordinaryong pamilya.