Tiniyak ng Department of Energy na nananatiling sapat ang suplay ng langis sa bansa kahit pumapasok na sa ikaapat na linggo ang digmaan sa Middle East.
Ayon kay DOE Sec. Sharon Garin, mayroong tinatayang 45 araw na suplay ng fuel ang Pilipinas sa kabila ng nagpapatuloy na tensyon sa pagitan ng United States, Israel, at Iran.
Dagdag pa ng kalihim, patuloy ang pagpasok ng mga bagong supply sa bansa matapos makumpirma ng mga oil companies ang kanilang mga order para sa linggong ito at sa susunod na linggo.
Mahigpit din umanong mino-monitor ng DOE ang imbentaryo ng mga kumpanya ng langis at sa ngayon ay wala pang nakikitang kakulangan o kritikal na pagbaba ng suplay.
Tiniyak ng ahensya na wala pang kompanyang bumababa sa 15 araw na inventory level—isang indikasyon na nananatiling stable ang fuel supply sa bansa.
Sa kabila nito, patuloy ang pagbabantay ng pamahalaan sa sitwasyon sa pandaigdigang merkado ng langis dahil maaaring makaapekto ang sigalot sa presyo at suplay sa mga susunod na linggo.














