Kinasuhan ng paglabag sa Anti-Rape Law of 1997 (Republic Act No. 8353) ang isang 26-anyos na lalaki matapos ang umano’y pangmomolestiya at tangkang pagdukot sa isang 13-anyos na dalagita sa Naga City.
Ayon sa Philippine National Police sa Naga City, isinagawa ang entrapment operation noong Sabado ng hapon sa Barangay Tinago na nauwi sa habulan matapos umanong tangkain isakay ng suspek ang biktima sa isang SUV.
Natapos ang operasyon sa Barangay Palestina, Pili, Camarines Sur, kung saan tumigil ang sasakyan matapos masira ang gulong dahil sa mga tama ng bala mula sa mga awtoridad, bago tuluyang maaresto ang suspek.
Ayon kay PCol. Gilbert Fariñas, city director ng PNP-Naga, nagsimula ang insidente sa online chat sa pagitan ng suspek at biktima bago ang aktwal na pangyayari. Agad namang nagsumbong ang biktima sa kanyang ina, na siya ring nag-ulat sa barangay at pulisya na nagbunsod ng operasyon.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek habang inihahanda ang mga kaukulang kaso sa piskalya. Ang biktima naman ay nasa pangangalaga ng kanyang pamilya at barangay social worker para sa karagdagang proteksyon at suporta.














