Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology ng 20 volcanic earthquakes sa Taal Volcano nitong Linggo, indikasyon ng patuloy na pagkilos o unrest ng bulkan.
Sa inilabas na bulletin ng PHIVOLCS nitong Lunes, sinabi rin na nagbuga ng mahihinang usok ang Taal Volcano noong Linggo na tumuloy sa timog-kanluran.
Naitala rin noong Mayo 1 ang pagbuga ng humigit-kumulang 590 tonelada ng sulfur dioxide, na isa sa mga pangunahing indikasyon ng aktibidad ng bulkan.
Nananatili ang Taal Volcano sa Alert Level 1 (low-level unrest), ayon sa PHIVOLCS.
Bilang pag-iingat, muling iginiit ng ahensya na ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island na itinuturing na Permanent Danger Zone (PDZ), partikular sa Main Crater at Daang Kastila fissures.
Ipinagbabawal din ang pagpasok sa Taal Lake, pati na ang pamamangka at paglipad ng sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan.
Ayon sa PHIVOLCS, maaaring magdulot ang Taal Volcano ng steam-driven o phreatic explosions, volcanic earthquakes, minor ashfall, at mapanganib na paglabas ng volcanic gas na maaaring ikapinsala ng kalusugan ng tao.
Patuloy na binabantayan ng mga awtoridad ang aktibidad ng bulkan upang matiyak ang kaligtasan ng mga komunidad sa paligid nito.














