Arestado ang tatlong babae, kabilang ang isang municipal councilor, sa isinagawang operasyon ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng umano’y syndicated estafa sa bentahan ng mga residential property sa Pampanga.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), nadakip ang mga suspek sa San Fernando City noong Nobyembre 13, 2026, habang tumatanggap umano ng P650,000 mula sa mga nagreklamo para sa restructuring ng kanilang Contracts to Sell.
Nagsimula ang kaso matapos magsumbong ang ilang mamimili na nakapagbayad na ng malaking halaga para sa mga property sa Panorama Heights at Kay-Land Residences sa Mexico, Pampanga.
Gayunman, sa beripikasyon sa Pag-IBIG Fund, natuklasang ang ilan sa mga naturang ari-arian ay nailipat na sa ibang pangalan, naibenta, naisangla o kabilang na sa mga acquired asset ng ahensya.
Nahaharap ang tatlong suspek sa kasong syndicated estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Presidential Decree No. 1689.














