Posibleng tumagal ng hanggang dalawang buwan ang umiinit na tensyon sa Gitnang Silangan na kinasasangkutan ng United States, Israel, at Iran, ayon sa pagtataya ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon kay DFA Assistant Secretary Germinia Aguilar-Usudan ng Office of Middle East and African Affairs, batay sa mga ulat na natatanggap ng ahensya, inaasahang maaaring tumagal ang sigalot ng tinatayang apat hanggang walong linggo.
Ipinaliwanag ni Aguilar-Usudan na may mga indikasyon na patuloy na nagpapadala ang Estados Unidos ng karagdagang mga rocket patungong Iran, na maaaring magpalala pa sa umiiral na tensyon sa rehiyon.
May mga ulat din umano na nais ni US President Donald Trump na magkaroon ng impluwensya sa kung sino ang maaaring maging susunod na lider ng Iran, na isa ring posibleng salik kung bakit inaasahang magpapatuloy pa ang alitan sa mga darating na linggo.
Sa kabila nito, sinabi ng DFA na patuloy na nakaantabay ang pamahalaan ng Pilipinas sa mga kaganapan sa Gitnang Silangan upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino, lalo na ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa mga bansang apektado ng kaguluhan.
Patuloy ding mino-monitor ng DFA ang sitwasyon sa rehiyon upang agad na makapagpatupad ng mga kinakailangang hakbang sakaling lumala pa ang tensyon.














