Nangako ang Thailand at Cambodia na ipagpapatuloy ang bukas na komunikasyon at iiwas sa mga hakbang na maaaring magpalala ng tensyon matapos ang trilateral meeting na pinangunahan ng Pilipinas sa sidelines ng 48th ASEAN Summit.

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpupulong kasama sina Cambodian Prime Minister Hun Manet at Thai Prime Minister Anutin Charnvirakul, bilang bahagi ng papel ng Pilipinas bilang ASEAN chair.

Ayon kay Pangulong Marcos, layunin ng pulong na magbigay ng “meaningful space for constructive dialogue” kaugnay ng patuloy na alitan sa border ng dalawang bansa.

Sa joint press conference, sinabi ng Pangulo na kinilala ng dalawang lider ang kahalagahan ng restraint, tuloy-tuloy na komunikasyon, at mapayapang pagresolba ng sigalot.

Advertisement

Ginanap ang pagpupulong sa gitna ng umiigting na tensyon sa pagitan ng Thailand at Cambodia dahil sa mga pinagtatalunang teritoryo malapit sa Preah Vihear temple at ilang bahagi ng Gulf of Thailand.

Nagpasalamat sina Hun Manet at Anutin sa Pilipinas sa pag-facilitate ng dayalogo, at parehong nagpahayag ng kahandaan para sa konstruktibong pag-usad ng usapan.

“Cambodia stands ready to move forward constructively, swiftly, and in good faith,” pahayag ni Hun Manet, habang binigyang-diin naman ni Anutin ang kahalagahan ng pagtuon sa kapayapaan at pag-iwas sa alitan ng magkapitbahay na bansa.

Kasabay nito, inanunsyo rin ni Pangulong Marcos ang pagpapalawig ng mandato ng ASEAN Observer Team (AOT) hanggang Hulyo upang ipagpatuloy ang pagbabantay sa pagpapatupad ng mga kasunduan sa pagitan ng Thailand at Cambodia.

Advertisement